March 01, 2017
Sa aming mga minamahal na Miyembro Konsumedores:
PAKSA: Sa pangunguna ng General Manager ng Romblon Electric Cooperative, Inc.(ROMELCO) na si Engr. Rene M. Fajilagutan
ROMELCO nagpadala ng Task Force Kapatid sa MARELCO
Sa pangunguna ng General Manager ng Romblon Electric Cooperative, Inc.(ROMELCO) na si Engr. Rene M. Fajilagutan, ay inatasan ang Technical Service Department (TSD) sa pamumuno ni Engr. Basilio M. Diaz Jr. na bumuo ng grupong Task Force MARELCO na pinamunuan naman ni Foreman Roberto G. Palomata kasama ng sampo nitong Lineman at driver noong January 04, 2017 hanggang February 02, 2017 upang tulungan na kumpunihin ang Marinduque Electric Cooperative, Inc.(MARELCO) sa mga natamo nitong pinsala sa kanilang mga linya ng kuryente dulot ng bagyong Nina noong December 26, 2016.
Malugod silang sinalubong ng MARELCO sa pamumuno ng kanilang General Manager na si Engr. Gaudencio M. Sol Jr. at agarang nagsagawa ng pagpupulong noong January 06, 2016. Na-assign ang grupo ng ROMELCO sa bayan ng Torrijos na kinabibilangan ng mga sumusunod na barangay, (Pakaskasan, Bonliw, Cagpo, Poctoy, Marlangga, Poblacion, Buangan, Cabuyo, Tigwi, Malibago, Sihi, Bagacay, Timbo,Nangka, Maranlig, Makawayan at Dampulan). Agad na nagsagawa ang grupo ng pagkukumpuni sa mga nasirang linya ng kuryente na ilang linggong nawalan ng serbisyo.
Lubos namang nasiyahan ang Pamahalaan ng Lalawigan ng Marinduque sa mabilis na pagkakabalik ng serbisyo ng kuryente sa kanilang lugar sa tulong ng mga Task Force mula sa karatig nitong mga Electric Cooperative kabilang na dito ang ROMELCO at sa tulong na rin ng National Electrification Administration (NEA).
Sa kagalakan ng mga pinuno ng lalawigan sa pamumuno ng kanilang Gobernador – Hon. Carmencita O. Reyes at Bise Gobernador – Hon. Romulo A. Bacorro, binigyan ng parangal ang mga Kooperatiba na tumulong kabilang na ang ROMELCO.
Ginawaran rin ng Certificate of Appreciation ng MARELCO ang ROMELCO noong January 31, 2017 sa MARELCO Center for Interactive Learning, Ihatub, Boac, Marinduque bilang pasasalamat sa tulong na ibinigay ng kooperatiba sa pagsasa-ayos ng kanilang mga pasilidad na nasira ng naturang bagyo.
Ang naturang Task Force MARELCO ay kinabibilangan ng mga sumusunod na kawani ng ROMELCO,
- Roberto G. Palomata — Foreman
- Ernie M. Ramos — Driver
- Raymund M. Rollon — Lineman
- Rodolfo M.Macatol Jr. — Lineman
- Mark Jason D. Alora — Lineman
- Paul R. Rada — Lineman
- Anthony M. Mallorca — Lineman
- Steven R. Delos Angeles — Lineman
- Mark Alvin T. Marin — Lineman
- Erwin R. Madrona — Lineman
- Ronnie R. Magallon — Lineman
- Gener M. Mindoro — Lineman
Matatandaan din po natin na ang ROMELCO ay nagpadala rin ng Task Force Kapatid noong taong 2014 sa mga kooperatibang nasalanta ng bagyong Yolanda. Sa pagkakataong ito tinulungan natin ang Busuanga Island Electric Cooperative, Inc. (BISELCO) at Capiz Electric Cooperative, Inc. (CAPELCO) na maisaayos ang kanilang mga pasilidad. Nagpadala rin tayo ng mga Lineman at mga kagamitan katulad ng boomtruck.
Saludo kaming lahat sa inyo na mga masisipag na miyembro ng Task Force Kapatid – MARELCO.
ANG TAGAPAMAHALA